Dumipensa ang Philippine National Police sa paglalabas ng abiso ng gobyerno ng Canada pahinggil sa pagpapa-ingat nito sa kanilang mamamayan sa pagpunta dito sa Pilipinas.
Sa kabila kasi ng pagiging Top 3 safest country ng Pilipinas sa buong Southeast Asia ay pinag-iingat pa rin ng Canada ang kanilang mamamayan kapag magtutungo dito sa bansa partikular na sa bahagi ng Mindanao.
Ayon sa Canada, kabilang ang mga insidente ng mga krimen, terorismo, holdapping, at kidnapping sa mga dahilan na nakasaad sa inilabas na travel advisory ng Canadian government.
Hindi naman ito sinang-ayunan ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. at giit niya, mismong ang crime statistics na aniya ng ating bansa ang nagpapatunay bumaba ang krimen sa ating bansa kasabay ng pagtaas ng crime solution efficiency na nangangahulugan lamang na epektibo ang ginagawang pagtugon ng kapulisan at pamahalaan sa mga krimen sa bansa na nagbunsod din ng high trust rating ng komunidad sa PNP.
Paliwanag ng PNP chief, ibig sabihin nito ay nararamdaman na ng ating mga kababayan na ligtas sila dito sa ating bansa dahilan kung bakit masasabi aniyang nag-iimprove na ang peace and order situation sa Pilipinas.
Samantala, sa kabila nito ay sinabi naman ni Acorda na naiintindihan at iginagalang niya ang naging desisyon ng Canada hinggil sa inilabas na abiso nito kasabay ng pag-amin na marami pa silang dapat gawin para kumbinsihin ang international community na ligtas magtungo sa bansa.
Kung maaalala, batay sa naturang advisory na inilabas nito noong Enero 10, 2024, nakasaad ang “avoid all travel” category sa ilang mga lugar sa Pilipinas na kinabibilangan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao, Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Cotabato, Sarangani, South Cotabato, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Sultan Kudarat.
Ibig sabihin ay inaabisuhan ng Canadian government ang lahat ng kanilang mga mamamayan na huwag nang bumiyahe pa patungo sa naturang mga lugar nang dahil sa mga posibleng banta sa kanilang seguridad at kaligtasan.
Habang kaugnay nito ay inabisuhan din ng naturang pamahalaan ang mga Canadian na kasalukuyan nang nasa mga nabanggit na mga lugar na agad nang lisanin ang mga ito.
Samantala, bukod dito ay kabilang naman ang Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte (maliban sa Siargao Island), Surigao del Sur, Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur (maliban sa Davao City), Davao Occidental, at Davao Oriental sa “avoid non-essential travel” category ng travel advisory ng Canada.