Isang sanggol na initsa papalabas ng bahay bago ito mabagsakan ng lupa at bato ang nag-iisang nakaligtas sa pagguho ng lupa sa Mt. Diwata, Monkayo, Davao de Oro nitong Huwebes.
Umabot sa 11 bangkay ang nakuha ng mga tagapagligtas sa binagsakan ng gumuhong lupa sa Purok 19, Pagasa sa Barangay Mt. Diwata.
Ang huling nakuhang bangkay kahapon ay sa isang 45-anyos na lalaki, ayon sa munisipyo ng Monkayo.
Kinilala ang biktima na si Rommel Gumatin, ayon sa post ng munisipyo sa social media.
Pitong kamag-anak ni Gumatin ay kabilang sa mga nasawi. Sumasamba sila kasama ang iba pang biktima noong Huwebes nang madaganan sila ng lupa at bato kasunod ng malakas na buhos ng ulan.
Nakapag-post pa umano ng video sa social media si Gumatin bago mag-landslide, ayon sa ulat ng GMA News.
Ang paghuhukay ng mga natabunan ay inabot ng tatlong araw dahil kinailangang suspindihin ito sa gitna na malakas na ulan na delikado para sa mga tagapaghanap.
Samantala, isang minero ang namatay kahapon sa isa pang pagguho ng lupa sa Purok Bagong Silang, Barangay Tandik, ayon sa ulat ng Super Radyo dzBB.
Dalawang iba pa ang namatay rin sa pagguho ng lupa sa Davao City naman noong Biyernes.