Dalawang tagahanga ni Madonna ang humihingi ng danyos sa umawit ng “Material Girl” dahil umano pinaghintay niya ang mga manonood ng dalawang oras sa mga konsyerto niya sa New York, pag-uulat ng Agence France-Presse.
Sina Michael Fellows at Jonathan Hadden ang nagdemanda kina Madonna, kanyang concert organizer na LiveNation at ang Barclays Center, may-ari ng tanghalan sa New York ng “Celebration Tour.”
Hindi binanggit sa mga dokumento sa korte ang halaga ng danyos na hinihingi dahil sa matagal na pagsisimula ng kanyang konsyerto nitong Disyembre.
“Ang mga konsiyerto sa Barclays Center ay na-anunsiyong magsisimula ng alas 8:30 ng gabi, ngunit si Madonna ay hindi umakyat sa entablado hanggang pagkatapos ng alas 10:30 ng gabi sa lahat ng tatlong gabi, kung saan karamihan sa mga dadalo sa konsiyerto ay umalis sa Barclays Center pagkalipas ng ala una ng umaga,” batay sa mga dokumento ng korte kaugnay ng kaso na nakuha ng AFP noong Biyernes.
“Ang iba ay naiwang stranded sa kalagitnaan ng gabi dahil na-miss nila ang kanilang inayos na biyahe pauwi o pampublikong sasakyan,” dagdag ng reklamo.
Ang reklamo na inihain sa Brooklyn federal court noong Miyerkules ay nagsasaad rin na si “Madonna ay may mahabang kasaysayan ng pagdating at pagsisimula ng kanyang mga konsyerto nang huli, kung minsan ay ilang oras na huli.”
Wala namang komento ang Barclays Center, LiveNation at isang kinatawan ni Madonna sa reklamo.
Si Madonna ay na-ospital noong Hunyo 2023 dahil umano sa impeksyon ng bakterya at nailagay sa intensive care unit.
Dahil sa sakit, napilitan si Madonna na ipagpaliban ang kanyang nalalapit at mabentang, 84-petsang “Celebration” tour na dapat magsimula ng Hulyo 15 ngunit naantala dahil sa paglilitis.
Ang nanalong Grammy sa likod ng mga kantang “Like A Virgin” at “Borderline” ay isa sa mga nangungunang bituin ng musika.
Noong 2020 sumailalim siya sa operasyon ng tadyang kasunod ng pinsalang natamo niya sa kanyang tour na “Madame X.”