Aminado ang aktres na si Loisa Andalio na willing siyang mag-explore at mag-try ng bago sa kanyang career kahit hindi niya kasama ang kanyang partner na si Ronnie Alonte.
Ayon sa dalaga, okay sa kanya na mabigyan ng new projects ng ABS-CBN management na hindi sila ang magkasama at mag-partners at dagdag pa niya, para rin ito sa kanilang career growth sa mundo ng showbiz bilang mga artista na uhaw na uhaw gumawa ng “something new and something fresh.”
Kaya ang wish nilang ngayong 2024 ay makagawa ng marami pang proyekto kung saan mas matsa-challenge sila as individual artists.
Napapanood ngayon ang tambalang LoiNie sa hit Kapamilya drama series na “Pira-Pirasong Paraiso” na malapit nang magtapos. In fairness, puring-puri ng mga manonood ang dalawa dahil sa level-up nilang aktingan sa programa.
“Ngayon sa serye, siguro mas gusto ko magkaiba naman po muna. Kanya-kanya mag-grow muna. Seven years na kami loveteam. Gusto ko grow din siya as an actor,” sabi ni Loisa.
Sumang-ayon si Ronnie sa sinabi ng girlfriend at sana raw ay magtuluy-tuloy ang pagganap niya sa mas challenging at buwis-buhay na mga karakter.
“Gusto ko talaga mag-action. Ito (Pira-Pirasong Paraiso) naging training ko. Tama si Lois, napag-usapan namin, kapag may magandang offer, pwede ka magsolo at humiwalay muna,’” saad ng binata.