Kinasuhan ng terorismo ng isang korte sa Kenya ang lider ng isang kulto kung saan 429 miyembro ang namatay o nagpakamatay sa gutom.
Ipinahayag naman ni Pastor Paul Nthenge Mackenzie at 94 iba pang nasasakdal na wala silang sala sa kasong radikalisasyon.
Sinampahan rin ng “organized criminal activity” si Mackenzie, batay sa dokumentong may kauganayan sa kaso na galing sa korte ng Mombasa.
Hinimok umano ni Mackenzie ang mga biktima na gutumin nila ang sarili upang makaharap si “Hesus” sa kasong tinaguriang masaker sa gubat ng Shakahola na ikinagulantang ng mundo.
Inaresto ang pastor nitong Abril matapos makita ang mga bangkay ng biktima sa kagubatan ng Shakahola malapit sa Indian Ocean. Sa otopsiyang isinagawa sa mga bangkay, nalamang gutom ang sanhi ng kanilang pagkakasawi.
May mga bangkay ng bata ang namatay naman sa pananakal, pambubugbog at suffocation.
Ilang ulit na pinatagal ang pagdetine kay Mackenzie dahil sa hiling ng mga tagausig ng dagdag na oras upang imbestigahan ang kaso.
Nitong nakaraang linggo, nagbabala ang korte na pakawawalan nila ang nasasakdal kung hindi pa siya makakasuhan sa loob ng 14 araw.