Naghahanda na ang ilang mga deboto ng Santo Niño para sa sa nalalapit na Lakbayaw kasunod ng pagdiriwang ng Kapistahan ng Santo Niño de Tondo sa Maynila.
Ang lakbayaw o lakbay at sayaw ay isang prusisyon kung saan ipinaparada ang mga imahen ng Sto. Niño na sinasabayan ng sayaw at musika sa bisperas ng kapistahan.
Isa ang grupong Anyareh sa makikilahok sa lakbayaw, handog ang kanilang talento sa pagsasayaw.
“Lakbayaw kasi is parang ati-atihan. So basically nagsasayaw kami para sa Sto. Niño. Iba-iba rin ‘yung strategy, meron kasing parang sa drums or sa tugtog pero kasi sa amin since more on millennials kami, mas gusto namin ‘yung trending na songs,” ayon kay Jennifer Dutong, senior member ng grupo.
Kabilang sa makikiisa ngayong taon ang 8-anyos na si Jerica Del Rosario na maagang naipamulat ang debosyon sa Sto. Niño.
“Masaya po. Salamat po kasi po binibigyan niya kami ng pangkain sa araw-araw,” sabi ni Del Rosario.
Isa lamang ang kanilang grupo sa mga debotong naghahanda na para sa pinakahihintay nilang okasyon para maipahayag ang kanilang debosyon sa Sto. Niño.