Inabswelto ng Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan sa multi-billion peso pork barrel scam noong 2013 pero hindi pa rin lusot ang senador dahil nahatulan itong guilty para sa naman sa mga kasong bribery at indirect bribery na may parusang pagkakakulong.
Sa 396-pahinang desisyon ng Sandiganbayan Fifth Division, sinabi nito na not guilty ang hatol kina Estrada at sa kapuwa niya akusado na si Janet Lim-Napoles.
Pero guilty naman ang hatol ng anti-graft court kay Estrada para sa one count ng direct bribery at two counts sa indirect bribery, subalit maaari pa umano itong iapela.
Sa direct bribery, pinatawan si Estrada ng parusang pagkakakulong ng walo hanggang siyam na taon, at apat na buwan at kasama ang temporary disqualification, temporary absolute disqualification at perpetual special disqualification sa pagboto. Pinagbabayad din ang senador ng multang P3 milyon.
Samantala, pinatawan naman si Estrada ng parusang pagkakakulong ng dalawang taon at apat na buwan, hanggang tatlong taon, anim na buwan at 20 araw para sa bawat “count,” o hanggang anim na taon kaugnay sa indirect bribery case.
Nakasaad sa parusa ang “suspension and public censure with the accessory penalties of suspension from public office, from the right to follow a profession or calling, and perpetual special disqualification from the right of suffrage.”
Sa kabila ng pagiging guilty sa kasong bribery, itinuturing ng kampo ni Estrada na “very big victory” ang desisyon ng mga mahistrado dahil nakalusot ang senador sa mas mabigat na kasong pandarambong.
“Pero sa charges ng direct and indirect bribery, hindi po muna namin alam kung anong basis ng court for the charges. Kasi bribery is not part of the information, so hindi siya connected sa information on the crime of plunder,” sabi ng abogado ni Estrada na si Atty. Alexis Abastillas Suarez sa isang panayam.
“So titingnan muna namin, basahin muna natin ‘yung decision ng court kung anong basis nila for the bribery. But we take this as a very, very big victory for us kasi he was exonerated of the crime of plunder,” dagdag niya.
Nilinaw naman ni Suarez na hindi pa final and executory ang desisyon ng Sandiganbayan dahil may iba pa silang legal na hakbang para iapela ang desisyon.
Sinabi naman ni Speaker Juan Miguel Zubiri, na mananatili pa ring senador si Estrada hanggang hindi pa ganap na pinal ang desisyon kaugnay sa guilty verdict sa kasong bribery.
“He has the right to exhaust all of these (legal remedies). He can still file a Motion for Reconsideration with the Sandiganbayan; he can still file an appeal by certiorari with the Supreme Court,” sabi ni Zubiri.
“Until and unless the decision becomes final and executory, Sen. Jinggoy is duty-bound to continue performing his functions as Senator of the Republic,” dagdag niya.