Umbaot na sa sampung katao ang naiulat na nasawi mula sa isang landslide na naganap sa Monkayo town sa Davao de Oro matapos makuha ng mga rescuers ang ilan pang mga labi ng mga biktima.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Monkayo, nakuha ang labi ng isang babae na kinilalang si Elvira Saldua pasado ala-una ng hapon ng Biyernes. Nauna rito, narekober rin ang mga labi nina Ritchell Reboldad at Agnes Bitoon.
Hanggang ngayon ay nagsasagawa pa rin ng search, rescue at retrieval operations ang mga grupo na patuloy na hinahanap ang isang nawawala pang tao na kinilalang si Rommel Gumatin.
Kung matatandaan, nagsasagawa umano ng prayer worship ang mga biktima sa Purok 19, Pagasa sa Barangay Mt. Diwata nang maganap ang landslide.
Samantala, kumikilos na ang mga tanggapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., House Speaker Martin Romualdez at Tingog Partylist para sa agarang pagpapalabas ng P35 milyong pinansyal na ayuda at 17,500 food packs na inihahanda at ipapamahagi sa pitong distrito na apektado ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao Region.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council na nasa 45,000 na pamilya o 187,000 na indibidwal ang apektado ng pagbaha at landslides bunsod ng malakas na pag-ulan mula pa noong Martes dulot ng shear line.
Ayon kay Romualdez, kailangang magsagawa ng agarang pagtugon kasabay ng pagtiyak na hindi mapapatid ang pagkakaloon ng kinakailangang tulong sa Davao Region na naapektuhan ng kalamidad.
Pagtiyak naman nina Tingog Partylist Reps. Yedda K. Romualdez at Jude Acidre sa mga biktima na ginagawa ng administrasyong Marcos ang lahat para makatugon sa kanilang pangangailangan.
Ayon sa House Speaker, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Social Welfare and Development para kagyat na mailabas ang P5 milyon sa kada pitong distrito ng Davao Region sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program.