Ang pagkakaroon ng tiwala ang isa sa pinakamatagal nang isyu sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines at kahit ilang dekada na ang lumipas, hanggang ngayon ay hindi pa rin napagtitibay ang pagtitiwalang ito sa pagitan ng dalawa.
Hindi naman maikakaila na ang pamahalaan – magmula sa dati hanggang sa kasalukuyang administrasyon – ay palaging nagtitiwala sa CPP na tutuparin nito ang mga pangako nito sa mga naisulong na peace talks, pero mas madalas na hindi ito nangyayari.
Kung iisipin kasi, hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang ginagawang pag-atake ng armed wing ng CPP – ang New People’s Army – at sa mga nakalipas na panahon, maraming buhay na ang nasayang sa magkabilang grupo at siyempre, maging ang mga mamamayan ay nadadamay rin dahil sa crossfire.
Nagkaroon lamang ng malinaw na pagsawata sa mga rebelde noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan inilunsad niya ang isang all-out war laban sa mga insurgents na nagpapatuloy pa rin ngayon.
Ni hindi nga pumayag ang dating Pangulo na magkaroon ng peace negotiations sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebelde kaya naman unti-unti nang napahina ang puwesa ng mga makakaliwa, habang ang ibang rebelde naman ay sumuko na upang magkaroon ng normal na buhay.
At ngayon naman, inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nawala na umano ang active fronts ng mga communist terror groups at idinagdag niyang nalalapit na ang pagtatapos ng rebelyon sa bansa.
Pero sa tingin namin ay malayo pa ito sa hinagap dahil kamakailan lamang ay sinabi ng National Security Council na maaaring makabawi ng puwersa ang mga makakaliwa gamit ang exploratory talks na isinusulong ng National Democratic Front of the Philippines – ang political wing ng CPP.
Sinabi ni NSC assistant director general Jonathan Malaya na mayroon pa ring posibilidad na maaaring lumakas pa rin ang puwersa ng mga rebelde, pero dahil sa sunud-sunod na pagkakapatay ng mga NPA leaders, mahihirapan silang gawin ito.
Ang tanong: Dapat bang makipag-negosasyon pa ng pamahalaan sa CPP at makakaasa ba tayo na tutuparin nito ang pagsulong ng kapayapaan?
Sa tingin naming ay hindi, dahil nitong nakaraan ay nagkasundo na ang pamahalaan at ang NDF sa isang “principled and peaceful resolution of the armed conflict,” pero kahit ganoon, naglunsad pa rin ng “3rd Rectification Movement” ang NPA upang palawakin pa umano ang tinatawag na “protracted people’s war” laban sa gobyerno.
Ang isa pang tanong, sino ang pagtitiwalaan natin?
Ang masa lamang ang makakasagot, lalo na at marami nang ebidensya kung sino ang dapat pagkatiwalaan.