Tinatayang P5 milyong halaga ng hinihinalang puslit na inangkat na gulay at prutas ang natunton ng mga ahente ng Bureau of Customs sa tatlong warehouse sa Maynila.
Sa ulat ng Customs Intelligence and Investigation Service sa Binondo, Maynila International Container Port at ng National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division na inilabas kahapon, nadiskubre ang kaing-kaing kontrabando sa inspeksyon ng mga warehouse sa Maynila nitong Martes.
Ayon kay BOC-CIIS Director Verne Enciso, mga sariwang angkat na broccoli na nagkakahalaga ng mga P2 milyon ang natagpuan sa isang warehouse sa Barangay San Nicolas.
Sa warehouse naman ng WSH Trading sa Sto. Cristo Street ay nakita ang mga angkat na bell pepper, garlic sprout, volcanic sweet potato, cauliflower, lotus root, mais, spinach, romaine, mushroom, oranges, strawberry, grapes, pear, melon, kiwi, apple, longgan at cherry tomato na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Isa pang warehouse sa El Cano St. ay nadiskubre ang mga angkat na cauliflower, yam, water bamboo, lotus root, spinach, kamatis, baby cabbage, crown daisy at mansanas na nagkakahalaga ng P1 milyon.
Susuriin ng husto ang imbentaryo at halaga ng mga hinihinalang smuggled na gulay at prutas bago sampahan ng kaukulang kaso ang mga may-ari ng warehouse at iba pang taong sangkot sa kaso, ayon kay Enciso.
Bibigyan rin ang mga akusado ng 15 araw na magpakita ng kaukulang dokumento na magpapatunay na hindi ilegal ang mga produktong pang-agrikultura na kanilang iniimbak.
Siniguro naman ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy na mananagot ang mga may sala at sangkot sa pagkalugi ng mga lokal na magsasaka at mangangalakal na nalugi sa pagtitinda nitong Pasko dahil sa mga smuggled na gulay at prutas.