Isang poste ng internet ang bumagsak sa Mandaluyong nitong nakaraan matapos umanong mahagip ang linya nito ng isang nagdaraang trak at ayon sa mga ulat, dumadaan ang truck sa Pine Street corner Union Street nang mangyari ang insidente bandang alas-4 ng hapon.
Hindi naman na ito mahabol ng mga otoridad dahil walang CCTV sa pinangyarihan.
Walang nasugatan sa insidente, ayon kay George Villas, barangay executive officer sa Highway Hills.
“Sabi ng mga roving guard, hindi raw nila nakita kung anong klase ng truck ang nakadali ng kable, kaya yun ang naging cause sa mga line ng cable natin. Yung poste nating natukoy, hindi nila na-monitor ‘yun,” sabi ni Michelle Paual, team leader ng nag-aayos ng mga kable.
“Wala kasing CCTV sa area na ito. Yung mga ganyang kakalaking truck (na dumadaan),” dagdag ni Paual.
Sinabi naman ng traffic enforcer na si Joey Baes, base sa mga nai-report sa kanya ng mga residente doon, luma at marupok na rin ang poste bagaman gawa ito sa semento. Kinumpirma naman ito ng Barangay Highway Hills.
“May lamat na ito, ngayon lang bumagsak (poste), sa telecom lang (‘yung apektado),” sabi ni Baes.
Nanghihinayang ang barangay na hindi nila nahabol ang kumaripas na truck dahil nasa isa pa silang operasyon.