Inihayag ng South Korean firm na Miru Systems Co. Ltd — na itinuturing na nag-iisang bidder sa 2025 automated elections system – na walang katotohanan ang mga paratang na hindi maganda ang performance nito sa mga halalan sa ibang mga bansa.
Ayon sa kumpanya, hindi umano totoo ang paratang ng election failure laban sa kanila kasunod ng pagpapahayag ng pagkabahala ang election watchdog sa track record ng Miru.
Kung matatandaan, sinabi ng Democracy Watch Philippines na may mga naiulat na manipulasyon ng boto at pagpalya sa kanilang voting machines.
Giit naman ng Miru na ginagamit ng Iraq at ng Democratic Republic of Congo ang kanilang mga makina mula noong 2018 at patuloy na nagpapakita ng tiwala sa kanilang teknolohiya at binanggit pa umano ng Iraqi Prime Minister mismo ang matagumpay na pagsasagawa ng pinakahuling halalan noong 2023.
Binanggit din ng Miru ang sertipikasyon na ibinigay ng Commission Electorale Nationale Independante ng Congo dahil nasiyahan umano ito sa kagamitan ng Miru.
Samantala, una ng tiniyak ng Commission on Elections na dadaan sa mahigpit na proseso ang joint venture sa post qualification evaluation upang matiyak na may kakayahan ito sa paghahatid ng mga kailangan para sa mga susunod na halalan.