Kinailangang bumalik sa Tokyo ang eruplano ng All Nippon Airways na patungong Estados Unidos nang kagatin ng isang lasing na pasahero ang isang cabin attendant nito, ayon sa ulat ng Agence France-Presse kahapon.
Sinabi ng tagapagsalita ng ANA sa AFP na ibinaon ng pasaherong 55 anyos na hinihinalang Amerikano at lasing na lasing ang kanyang ngipin sa braso ng flight attendant na nagtamo ng sugat.
Nang malaman ang pangyayari, nagdesisyon ang piloto na bumalik sa Haneda Airport.
Nasa dagat Pasipiko na ang eruplano na may sakay na 159 pasahero nang ito’y bumalik.
Sa airport ay ipinaaresto sa pulis ang nangagat na pasahero, ayon sa ANA.
Iniulat ng brodkaster na TBS ang pasahero habang pinapaliwanag sa imbestigador na hindi niya maalala ang kanyang inasta.