Inihayag ng Department of Health nitong Miyerkules na hiniling nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendihin ang pagpapatupad ng pagtaas ng premium rate ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa 2024.
Ayon kay DoH Secretary Ted Herbosa, nagpadala siya ng letter of recommendation sa Pangulo kung saan binigyang-diin niya na ang hakbang ay hindi makakaapekto sa kalagayang pinansyal ng state health insurer kung maaantala ang pagtaas ng premium.
Dagdag pa ni Herbosa, may sapat na pera o pondo ang PhilHealth para ipagpatuloy talaga ang pagbibigay ng mga benepisyo.
Ang nakatakdang pagtaas ng PhilHealth rates ay alinsunod sa Universal Health Care na nilagdaan noong 2019 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan minamandato nito ang pagtaas sa halaga ng kontribusyon ng PhilHealth hanggang umabot ito sa 5 percent pagsapit ng 2024.
Kung matatandaan, pinasuspinde rin ng Pangulo ang premium rate at income ceiling hike ng PhilHealth para sa year calendar 2023, dahil sa mga socioeconomic challenges na dulot ng pandemya.
Ang premium rate ay dapat na tumaas sa 4.5 percent noong nakaraang taon, habang ang buwanang basic salary ceiling ay dapat sana ay P90,000.
Una nang sinabi ng PhilHealth na magpapatuloy pa rin ang plano nitong palawakin ang coverage ng mga benefits package nito ngayong taon kahit na sususpendihin ng Pangulo ang ipinag-uutos na pagtaas ng premium rates.
Samantala, ilang mga senador ang umaayon kay Herbosa na dapat suspendihin muna ang implementation ng premium rate ng PhilHealth.
Ayon kay Senador JV Ejercito – na siyang sponsor ng Universal Health Care Law – naghain na rin siya ng panukala upang i-adjust ang PhilHealth premium rate increase.
“I support Sec. Ted Herbosa’s proposal to suspend increase in Philhealth contributions because there is a pending bill that I filed on amendments to the UHC to adjust premium rates as we are still recovering from the pandemic,” saad ni Ejercito.
“We have done studies on the numbers and PhilHealth said it will not affect the benefits and packages,” dagdag niya.
Si Senador Bong Go naman, sinabing hindi pa napapanahon ang pagtaas ng premium rate dahil hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin ang epekto ng pandemya.
“Marami pa rin tayong mga kababayan ang nahihirapan sa kanilang hanapbuhay. Huwag na nating dagdagan pa ang bigat ng hirap na kanilang dinadala,” sabi ni Go.
“Bilang chair ng Senate committee on health, panawagan ko naman sa pamunuan ng PhilHealth ay tuluyang sugpuin ang mga anomalya sa ahensya, pagbutihin ang serbisyo nito at siguraduhing bawat piso sa pondo ng taumbayan ay nagagamit para sa mga Pilipino,” dagdag niya.