Kapwa humihimas ng rehas ngayong ang isang mag-asawa matapos umano nilang gamitin sa online exploitation ang dalawa nilang menor de edad na anak sa Lanao del Norte.
Ayon sa mga otoridad, mahigit isang linggong nagmanman ang National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division bago sinalakay ang tahanan ng mag-asawa at nang arestuhin ay sinubukan pa ng babaeng suspek na itapon ang kaniyang cellphone, ngunit nakuha rin ito ng mga operatiba.
Batay sa imbestigasyon, noong isang taon pa nagbebenta ang mga suspek ng mga malalaswang larawan at video ng kanilang mga anak sa kanilang mga kliyenteng banyaga.
Ayon kay Atty. Cath Nolasco, Chief ng NBI-Anti- Human Trafficking Division, isang Briton mula UK ang nahuli at natuklasang nanggaling sa Pilipinas ang kaniyang mga materyal.
Nakumpirma nila sa kanilang surveillance na sa Lanao del Norte nagmula ang kaniyang mga materyal.
“Actually in-offer pa nga nila na kung nandito ‘yung kausap nila online, mag-actual sex sila ng mga anak niya,” sabi ni Nolasco.
Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga biktima na edad apat at lima.