Aminado ang aktres na si Jennylyn Mercado na mas naapreciate niya ngayon ang pagiging hands-on mom kumpara sa unang pagkakataong naging nanay siya.
Ayon sa aktres, iba umano kasi ang sitwasyon noong isilang niya si Alex Jazz, ang unang anak niya sa dating karelasyong si Patrick Garcia, sa pagdating sa buhay niya ni Dylan, ang first baby naman nila ng asawang si Dennis Trillo.
Paliwanag pa ni Jennylyn, single working mom siya sa pag-aalaga at pagpapalaki kay Jazz samantalang kay Dylan ay kasa-kasama na niya si Dennis na isa ring proud hands-on tatay.
“Noon kasi, iba sitwasyon ko kay Jazz. Kailangan ko agad bumalik sa trabaho kasi wala naman ako katuwang. So, di ko masyado na-enjoy yung motherhood. Hands-on naman ako, pero siyempre, kailangan ko bumalik sa work. Ako yung breadwinner. Wala akong kasama. Pero ngayon, iba dahil kahit paano meron akong katuwang. Meron ding nag-aalaga sa akin,” sabi ni Jennylyn.
Talagang hati raw sila ng asawa niyang Kapuso Drama King sa parenting duties para sa kanilang mga anak.
“Hindi ko in-expect na ka-level ko yung pagka-hands on niya. Kahit galing taping, 1 a.m. umuwi ng bahay, di na matutulog kasi siya ang night shift. Ever since ganu’n kami, simula nu’ng newborn si Dylan. Talagang hindi siya matutulog. Hihintayin niya ako magising tapos ako naman papatulugin ko naman (si Dylan),” sabi ni Jennylyn.
“Kasi bago mag-isang taon si Dylan, kami lang, e. Wala kaming yaya. Nu’ng bumalik na si Dennis magtrabaho, ‘Ay, kailangan na natin kumuha ng makakasama,’ kasi hindi ko naman kaya mag-isa. Lalo lumilikot na, hinahabol ko na. Mine-make sure namin na hindi kami sabay na wala sa bahay. Kailangan isa sa amin meron. Good thing isa na rin management namin kaya naaayos nang mabuti yung schedule,” dagdag niya.