Isang grassfire ang sumiklab sa bakanteng lote bandang Macapagal Boulevard sa Pasay City, malapit sa Senate of the Philippines, nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Ayon kay Romeo Gapido, OIC ng BS Tiger Fire Volunteer, malaki na ang apoy nang respondehan nila ito.
“Medyo malaki na siya at nung dumating kami bale ang kinakain ng apoy ay nasa 20 to 30 meters diameter na po. Purely damuhan lang talaga siya na wala siyang residential na nakatayo,” sabi ni Gapido.
Dagdag niya, delikado umano kung kumalat ang apoy lalo na’t may mga bahay sa may likod ng naturang damuhan.
“Unang-una apoy po ang pinaglalabanan dito na maaaring ‘pag napabayaan, any seconds or any minute, malaki po ang posiblidad na kumalat siya ng kumalat hanggang sa abutin ‘yung mga kabahayan sa bandang dulo,” ayon kay Gapido.
“Siguro nasa 50 to 70 meters po ang distansya ng mga bahay dito mula sa pinagmulan ng grassfire,” dagdag ni Gapido.
Nahirapan din sila sa pag responde dahil masukal ang kanilang dinaanan para makarating sa gitna ng apoy at inabot ng 20 minuto bago tuluyang na-kontrol ang sunog.