Inihayag ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na magtatalaga ang ahensya ng assistant secretary for logistics sa gitna ng hakbang ng ahensiya na matutukan ang logistics na may mahalagang papel upang masigurong walang masasayang na produktong pang- agrikultura na naaani ng mga magsasaka at maihatid ang mga ito hanggang sa mga mamimili.
Ayon kay Laurel, napag- usapan sa sectoral meeting ang patungkol sa logistics na dapat mapalakas upang maiwasan ang wastage at ang magiging trabaho ng itatalagang DA assistant secretary for logistics ang gumawa ng mga inisyatibo upang makabuo ng mga prosesong dapat na mailatag na may kinalaman sa transportation, distribution at management processes.
Layunin din nito na maabot ang isang matatag at cost-effective na sistema sa agrikultura.
Samantala, iginiit ni Laurel na wala umanong makukuhang tulong pinansiyal ang mga magsasaka ng gulay na nalugi dahil naperwisyo ng peste ang kanilang produkto, tinamaan ng andap at maging oversupply.
Ayon sa kalihim, wala umanong pondong available para sa agarang tulong sa mga apektadong magsasaka.
Giit pa niya, hindi siya naniniwala sa cash ayuda dahil pansamantala lamang ang idudulot nito, bagkus ay mas magiging epektibo kung tutulong sila sa ibang paraan tulad ng pamamahagi ng buto o seeds at mga binhi gayundin ng mga pesticides.
Nilinaw din ni Laurel na ginagawa ng gobyerno ang lahat para matulungan pa rin ang mga apektadong magsasaka dahil tungkulin ito ng pamahalaan.