Isang barko na may karga umanong tone-toneladang semento ang nakatagilid na nang madatnan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa katubigang sakop ng Bayangan Island sa Zamboanga del Norte.
Ayon sa PCG, ang sea vessel na MV Star Sabang ay may kargang humigit-kumulang 170 tonelada ng semento at nagmula sa Cebu patungo sa Zamboanga.
Base sa paunang ulat, tumagilid ang naturang barko nang dahil sa malakas na hangin, hampas ng malalaking alon, at kalauna’y pagpasok ng tubig sa loob ng barko na dulot ng masamang lagay ng panahon na naranasan nito sa kasagsagan ng kanilang paglalayag.
Agad na nirespondehan ito ng mga otoridad matapos na makatanggap ng tawag sa telepono ang Coast Guard Sub-Station Salug mula sa Kapitan ng nasabing barko na kinilalang si G. Zamcebar Cutaran.
Kasunod nito ay agad na nakipag-ugnayan quick response team ng PCG sa Labason, Zamboanga Del Norte sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office para rescue operation para sa 13 tripulanteng sakay ng nasabing barko na kalauna’y matagumpay namang nasagip kabilang na ang mga narekober din na mga semento.
Samantala, kasunod nito ay agad namang nakipag-ugnayan ang PCG sa kumpanya ng nasabing barko na agad namang pinuntahan ng sister ship nito upang hatakin pabalik sa pampang.