Iginiit ng Philippine National Police nitong Martes na wala umanong nawawalang case folders ng mga pulis sa National Capital Region na nahaharap sa mga kasong administratibo, taliwas sa mga naunang pahayag na sinabi ng National Capital Region Police Office.
Ayon kay PNP Public Information Office acting chief at spokesperson Col. Jean Fajardo, nakitang mayroon umanong naging problema sa hindi pagkakaroon ng tamang pag-turnover ng mga dokumento dahil na rin sa pagpapalit at paglipat sa ibang opisina ng mga personnel na namgmomonitor ng mga case folder.
Taliwas ito sa isiniwalat ni NCRPO director Police Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na may mga nawawalang case folder ng ng mga pulis na may kinakaharap na admin cases.
Sinabi pa ni Fajardo na sa pakikipag-ugnayan niya sa NCRPO at nagsagawa ng accounting, wala naman umanong nawawala at na-account na ang mga tinukoy na case folders at for implementation ang iba dito.
“For the record, walang nawawalang case folder. Ang nangyari lang doon nung nag-paaccount yung ating regional director NCRPO si Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez, there are some folders na hindi kaagad naipalabas. However, nung nagconduct sila ng accounting, kausap ko mismo yung personnel head kanina si Col. Rodel Pastor, ay wala naman pong nawawala,” sabi ni Fajardo.
“Nag-iba iba din yung mga personnel na humawak nitong mga case folder so ang nakita dito talaga na problema ay hindi nagkaroon ng proper turnover. So kapag ako ay nag schooling, ikaw ang papalit sa akin walang proper turnover… there were times na binaha pa yung opisina they transferred lahat ng admin folder pero yun medyo namisplace, medyo nadaganan ng ibang mga dokumento pero klinarify nila wala pong nawawala case folder. All accounted at zero backlog sila as we speak,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Fajardo na nagkaroon lang umano ng “misconception” na nawawala ang mga nasabing dokumento.
“Yung statement ng ating RD was an offshoot because of the accounting na pinagawa niya na may mga hinahanap siya for a certain individual na nasaan na itong kaso na ito so that triggers the accounting at nung nahanap na nga ito ay hindi kaagad naipakita. So there was a misconception na nawawala ito but it turned out na Nakita itong mga folders na ito nasa mga ibang opisina,” saad ni Fajardo.
“Well yung statement ng ating Chief PNP is again a response doon sa sinabi ng ating RD na maaaring may mga nawawalang mga case folders. This is again a good issue na dapat talagang harapin ng PNP,” dagdag niya.
Paliwanag pa niya, baka may mga nawawala, namimisplace pero ang rason umano ay ang pagpapalit ng mga taong humahawak ng mga case folder, nagpapalit at lumilipat ng mga opisina.
“Kaya nga dapat may effective tayong case tracking na dapat gawin para hindi talaga nawawala,” dagdag ni Fajardo.
Aminado rin ang opisyal na dahil natabunanan at “namisplaced” umano ang mga case folder kaya nagkaroon din ng pagkaantala sa implementasyon ng mga penalty.
Sa kabila ng paglilinaw ni Fajardo na walang nawawalang case folders, tuloy pa rin ang pag-account ng iba pang case folders sa mga pulis na iniimbestigahan sa iba pang regional offices.