Matapos ang naging pagbati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagkakapanalo ni Taiwanese President-elect Lai Ching-te, ipinatawag ng Chinese government si Philippine Ambassador to China Jaime Flor Cruz.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na natutuwa ito sa magandang ugnayan ng ating bansa sa Taiwan, bagay na hindi ikinatuwa ng panig ng China.
Sa isang pahayag, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning na ipinatawag ni Assistant Minister Nong Rong ang ambassador ng Pilipinas sa kanilang bansa upang pagpaliwanagin hinggil sa naging aksyon ni Marcos.
Giit ng China, ang ginawang ng Pangulo ay isang malaking paglabag sa One China Principle na pinagtibay kamakailan lang ng ating bansa.
Kasabay nito ay nagbabala rin ang naturang Chinese official sa Pilipinas na huwag maglaro ng apoy lalo na sa isyu ng Taiwan kaya’t dapat aniyang tigilan na raw ng ating bansa pakikisawsaw sa mga isyung may kaugnayan sa Taiwan.
“The relevant remarks of President Marcos constitute a serious violation of the One China principle and … a serious breach of the political commitments made by the Philippines to the Chinese side, and a gross interference in China’s internal affairs,” saad ni spokesperson Mao.
“China has lodged a strong protest with the Philippines at the earliest opportunity,” and summoned its ambassador “to give China a responsible explanation. We suggest that President Marcos read more books to properly understand the ins and outs of the Taiwan issue, so as to draw the right conclusions,” dagdag nito.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil na nananatili ang Pilipinas sa “One China policy.”