Inalis sa puwesto ang anim na pulis-Maynila dahil sa maling paraan umano nang pag-aresto sa isang lalaking nang-holdap ng jeepney sa Sta. Mesa nitong nakaraan.
Matatandaang nag-viral ang video sa social media kung saan makikita ang mga pulis na may bitbit na kalasag at batuta na kanilang isinusundot sa holdaper na nasa loob ng jeep.
Nang makatakbo ito palabas ng jeep, makikita kung paano nakipag-patintero ang mga pulis sa suspek na armado ng patalim at maririnig din ang sunod-sunod na putok ng baril ng mga pulis.
Nagtamo ng sugat sa binti at nahuli rin kalaunan ang suspek.
Ayon kay Philippine National Police spokesperson Col. Jean Fajardo, may hindi nasunod sa probisyon ng police operational procedure at pinagpapaliwanag na rin ang precinct commander ng anim na pulis.
“Inalis muna sila doon sa kanilang mga present assignment while pending yung investigation. Pati yung kanilang precinct commander ay pinag-explain din kung bakit ganun yung response nung kanilang mga PNP personnel,” sabi ni Fajardo.
“May nakikita tayo na mga violation ng existing police protocols… Tinitingnan natin baka kulang sa training or meron naman tayong mga orientation, refresher courses at siguro reminders sa mga PNP personnel how to respond sa mga ganito pong mga insidente,” dagdag niya.