Isang mambabatas sa New Zealand ang nagbitiw sa tungkulin kahapon dahil sa alegasyong nagnakaw siya sa tindahan na sinisi niya sa kanyang stress at trauma.
Ang miyembro ng parlyamento na si Golriz Ghahraman mula sa Green Party ay iniimbestigahan ng pulis kaugnay ng tatlong sumbong ng pagnanakaw niya sa isang butika ng mamahaling damit sa Auckland at Wellington nitong Disyembre.
Sinabi ng dating abugado sa karapatang pantao na ang kanyang ginawa ay hindi naaayon sa inaasahan sa kanya bilang pulitiko at kailangan niya ng panahon upang tugunan ang kanyang kalusugan sa pag-iisip.
“Binigo ko ang maraming tao at ako ay humihingi ng tawad. Hindi ko maipaliwanag ang aking asta ngunit matapos ang pagsusuring medikal ay naunawaan kong hindi ako magaling,” aniya.
Political refugee ang 42-anyos na Iranian na lumipat sa New Zealand kasama ang pamilya nang siya ay bata pa lamang.
Nag-aral siya ng abugasya at naging abugado sa United Nations bago sumabak sa pulitika at nahalal sa parliyamento noong 2017.