Isang ginang ang nasawi habang sugatan naman ang kanyang menor de edad na anak matapos sila mahagip ng isang mini bus na modernized jeepney habang tumatawid malapit sa pedestrian lane sa Oton, Iloilo.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, makikita ang mag-inang biktima na nasa gitna na nang kalsada nang mabundol sila ng modernized jeepney na minamaneho ni Joey Poblador sa Barangay Poblacion South.
Ayon sa mga otoridad, nakaladkad pa ang mag-ina nang hanggang 10 metro bago tumigil ang sasakyan at sa lakas ng pagkakabangga sa mga biktima, nabasag ang windshield ng sasakyan.
Dinala sa ospital ang mag-ina pero pumanaw ang ginang na kinilalang si Lea Layos habang nagpapagaling ang kaniyang anak na 17-anyos.
Ayon kay Police Corporal Churchill Acosta, Jr. ng Oton Police Station, bibili lang ng ulam ang mag-ina nang mangyari ang trahediya.
Nakadetine sa police station si Poblador pero wala pa umanong desisyon ang pamilya ng biktima kung magsasampa sila ng kaso laban sa driver.