Patay ang isang lalaking sangkot umano dati sa droga matapos siyang pagbabarilin ng tatlong gunman habang nakikipag-inuman sa Pasay City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ronron Uy, na nakikipag-inuman kasama ng isang grupo sa Decena Street, Barangay 94 pasado 11 p.m. ng Lunes nang daanan ng tatlong lalaki at pinagbabaril si Uy.
Matapos nito, agad tumakbo ang dalawang gunman.
Naniguro naman ang huling lalaki na nakasuot ng itim at muling binaril ang biktima habang nakahandusay na.
Ilang lalaki naman ang pumalo sa huling gunman kaya siya nadapa, ngunit nagawa pa rin niyang makatakbo.
Nagtamo ng 10 bala sa katawan si Uy.
Base sa Pasay City Police, posibleng may kinalaman sa droga ang pamamaril, dahil dati nang dawit sa droga ang biktima at nasangkot din umano sa ibang krimen ang biktima.
Patuloy ang follow-up operation ng Pasay City Police para maaresto ang mga gunman.