Iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board nitong Lunes na walang nangyari at nangyayaring anomalya sa isinasagawang implementasyon ng PUV Modernization Program ng gobyerno.
Ayon kay LTFRB chairperson Atty. Teofilo Guadiz III, walang irregularidad sa pagpapatupad ng nasabing programa at dagdag niya, naka-pokus sila sa consolidation ng mga jeepney at maghikayat sa mga jeepney operators na magsama sama para makamit ang target na i-modernize na ang pampublikong sasakyan.
Sinabi pa ni Guadiz na wala ring anomalya sa ginagawa nilang pakiusap sa mga operator na sumama at makianib sa isang kooperatiba.
Pero aminado ang LTFRB chief na mayroong posibilidad na may anomalya umano sa pagpili ng sasakyan ng mga kooperatiba.
Ang halaga ng isang unit ng modern jeepney ay nasa mahigit isang milyon at ang mahal na unit ay nagkakahalaga ng mahigit dalawang milyon at ayon kay Guadiz, wala silang ganoong proyekto dahil kanilang ipinauubaya sa mga kooperatiba na magdesisyon ang pagbili nila ng sasakyan.
Ang pagpili ng mga kooperatiba ng kanilang unit ay isang business decision.
Payo lamang ng LTFRB sa mga kooperatiba ay pumili ng isang magandang produkto.
Samantala, hindi na magpapapigil ang grupong Manibela sa pagsasagawa nila ng malawakang titgil pasada sa araw ng Martes at ayon kay Manibela president Mar Valbuena, nasa 10,000 hanggang 15,000 na mga jeepney drivers at operators ang nagpahayag ng pagsali sa nasabing protesta.
Kasama din umano sa magsasagawa ng tigil pasada ang transport group na PISTON.
Layon ng nasabing tigil pasada ay ang pagpapahinto ng gobyerno sa implementasyon ng PUVMP.