Iniulat ng mga otoridad na sumuko ang isa sa mga suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang market consultant sa Lapu-Lapu City, Cebu noong Enero 2.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sinabing nagtatrabaho bilang driver sa Lapu-Lapu city public market ang sumukong suspek at siya umano ang nagmaneho ng motorsiklo na sinakyan ng gunman na bumaril at pumatay sa biktimang si Christopher Ceniza, executive assistant for operations Lapu-Lapu City market.
Inusig umano ng konsensiya ang sumukong suspek dahil naging mabuti naman ang pakikitungo sa kaniya noon ng biktima at ikinanta umano ng suspek ang tatlo nitong kasamahan at isang Alyas “Madam,” na sinasabing utak sa krimen.
Pag-aaralan ng mga otoridad kung gagamiting state witness ang sumukong suspek laban sa iba pang sangkot sa krimen.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Christian Torres, hepe ng Investigation and Detection Management Unit at spokesperson ng Lapu-Lapu City Police Office, lumalabas sa imbestigasyon na may nadiskubre si Ceniza na kalokohan sa koleksyon o payola mula sa mga market vendor na mariin nitong tinututulan.