Inihayag ng Department of Migrant Workers na makikipagtulungan ito sa Anti-Money Laundering Council upang tugisin ang mga human trafficker at illegal recruiter.
Kasunod ito nang paglagda ni DMW officer-in-charge Undersecretary Hans Leo Cacdac at AMLC executive director Matthew David ng isang kasunduan upang palakasin pa ang kanilang ugnayan laban sa human trafficking at illegal recruitment.
Ayon sa DMW, sa pamamagitan ng kasunduan ay magsasanib-puwersa ang dalawang ahensya para imbestigahan at panagutin ang mga asset ng mga human trafficker at illegal recuiter para maprotektahan ang kapakanan ng mga OFW.
Kaugnay nito, hinikayat ng ahensya ang ating mga kababayang OFW na biktima ng krimen na may kaugnayan sa pananalapi, humihingi ng libreng legal asistance sa kanilang tanggapan.
Maaari rin umanong makipag ugnayan sa pamamagitan ng kanilang social media account para ma-aksyonan at mapanagot ang mga illegal recruiter.
Samantala, sinabi ni Cacdac na nagtutulungan na ang kanilang tanggapan at Department of Foreign Affairs para matulungang mabigyan ng financial aid ang mga Pilipinong manggagawa na nadisplace mula sa kompaniyang ELE Group na inilarawan ng New Zealand immigration bilang large skilled labour hire agency sa sektor ng construction at manufacturing.
Sa nakalipas na Christmas holidays, una ng napaulat ang pagsasara ng naturang kompaniya na nag-iwan ng mahigit 1000 katao na nawalan ng trabaho kung saan kalahati ng apektadong staff ay migrant workers.