Inihayag ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation na nahuli ng mga operatiba nito ang hindi bababa sa 30 sasakyan na dumaan sa EDSA Busway sa Makati nitong Lunes.
Pasado alas-6 ng umaga nang pumuwesto sa southbound lane ng EDSA Magallanes ang mga otoridad at karamihan sa mga natiketan ay mga motorsiklo, ang iba ay TNVS, mayroon ding taxi at pribadong sasakyan, kabilang ang isang minamaneho ng isang empleyado ng Land Transportation Office.
Aminado ang mga natiketan na alam nilang bawal dumaan sa busway ang mga tulad nilang hindi government vehicle o rumeresponde sa emergency.
Paliwanag naman ng taga-LTO na dumaan sa busway, inakala niyang may emergency dahil tukod ang traffic mula sa Ayala tunnel kaya dumaan siya sa busway para sana rumesponde.
Pero tiniketan pa rin siya ng mga taga-SAICT ng disregarding traffic sign at paglabag sa panuntunan ng busway.
Bukod sa operasyon sa EDSA busway ay may hiwalay ding operasyon ang SAICT sa bike lane sa EDSA Southbound sa Santolan.