Laging ikinakatwiran ng Tsina ang sariling soberenya sa pambobomba ng tubig sa mga barko ng Pilipinas na naghahatid ng pagkain sa mga sundalong Pilipino sa Ayuning Shoal.
Sariling soberenya rin ang pinangangalandakan ng Tsina sa pagpuna ng pandaigdigang polisiya ng Pilipinas na magkaroon ng kooperasyon ang militar nito sa militar ng Amerika at mga kaalyado nitong bansa.
Tila sila lang ang may soberenyang bansa. Ngunit may hangganan ang kanilang soberenya. Hindi ito lalagpas sa soberenya ng Pilipinas. Kaya walang saysay ang pagrereklamo ng Beijing sa ginawang pagsasanay sa patrolya ng West Philippine Sea kasama ang mga barko ng hukbong dagat ng Estados Unidos nitong Nobyembre at unang linggo ng Enero.
Ayon sa Tsina, naghahamon ang Pilipinas dahil nasa teritoryong tubig nila ginawa ang naval drill ng Amerika at Pilipinas.
Ang paglahok ng hukbong dagat ng Amerika sa drill ay patunay lamang na kinikilala ng ibang bansa ang teritoryo ng Pilipinas.
Sa ating bakuran, maaari nating gawin ang nais nating gawin at walang pakialam ang kapitbahay doon. Kaya hindi dapat manghimasok ang Tsina sa ginagawang naval drill.
Kung tutuusin, ang Tsina ang naghahamon ng gulo dahil nagsagawa sila ng pagpatrolya at pagmanman sa ginagawang drill ng Philippine at US Navy. Mabuti na lamang at napigilan nila ang sarili at hindi binomba ng tubig ang mga barko ng Amerika at Pilipinas.
Hindi lang Amerika ang kumikilala sa soberenya at teritoryo ng Pilipinas. Ang mga nakapilang bansang lalahok sa mga susunod na naval drill ng hukbong dagat ay katibayan ng pagkilala ng mundo sa soberenya ng Pilipinas.
Dahil inaangkin pa rin ng Tsina ang ating teritoryo, kailangang tuloy-tuloy ang naval drill natin sa West Philippine Sea upang hindi malabag ng mga Intsik ang ating teritoryo at soberenya. Iyon lamang ang paraan upang maipaintindi sa Tsina na mali ang kanilang soberenya na mag-overlap sa soberenya ng Pilipinas.
Kailanman ay hindi naglayag ang mga barkong pandigma o coast guard ng Pilipinas sa karagatan ng Tsina upang angkinin ang teritoryong tubig nito. Kung hindi pa rin makaintindi ang Tsina na hindi sa kanila ang teritoryo ng Pilipinas, may ibang paraan pa naman upang mapaintindi ito sa kanila.
Akala ng Tsina na sila lang nakikipaglaban para sa kanilang soberenya. Gayundin ang Pilipinas.
Hindi man malakas ang hukbong dahat ng bansa upang mapangalagaan ang teritoryong tubig nito, may mga kaalyadong bansa ang Pilipinas na kumikilala rito at handang tumulong upang marespeto ito ng ibang bansa.