Inihayag ng Department of Migrant Workers nitong Linggo na nasa ligtas na kalagayan na ang 18 Pilipinong tripolante ng oil tanker na inagaw ng Iranian Navy sa Gulf of Oman at nasa Iran na ang mga ito.
Ayon sa DMW, patuloy pa rin ang koordinasyon nila at ng Department of Foreign Affairs sa Iran para sa paglaya ng mga Pinoy.
Dagdag pa ng ahensya, hawak na ng Iranian authorities ang mga pinoy crew ng American tanker na St. Nicolas.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang ahensya sa pamilya ng mga tripolante
Kung matatandaan, nakikipag-ugnayan na ang DFA sa embahada ng Iran para sa agarang pagpapalaya sa 18 Filipino crewmen na sakay ng isang American tanker na nabihag sa Gulf of Oman.
Patungo sa Turkey ang Marshall Islands-flagged crude oil tanker na St. Nikolas ng biglang sakyan ng apat na armadong kalalakihan na nakasuot pa ng military uniform.
Itinuturing na ganti umano ang Iran sa ginawang pagkumpiska ng US sanctions enforcement operation ng Suez Rajan na mayroong kargang 980,000 bariles ng krudo.
Kinondena naman ng Estados Unidos ang anila’y labag sa batas na pag-agaw at agad nanawagan sa Iran na palayain ang mga sakay nito at payagang makaaalis ang barko.