Inanunsyo ng ng transport group na Manibela na magsasagawa ito ng isang nationwide transport protest sa Martes upang muling ipanawagan ang pagpapahinto sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program.
Ayon kay Manibela president Mar Valbuena, aabot umano sa 10,000 hanggang 15,000 ang lalahok sa protesta at paglilinaw nito, hindi umano ito strike kundi isang uri lamang ng protesta.
“Gusto pa rin nating ipanawagan sa Pangulo na ibalik ang na-revoke na prangkisa ng ating mga kasamahan,” sabi ni Valbuena.
“Lalo na sa hanay ng mga operators na makapagpatuloy pa rin sa ating hanapbuhay dahil kawalan ng pagkakakitaang dulot nito sa mga driver at operators at kawalan ng masasakyan ng taong bayan,” dagdag niya.
Sisimulan ng grupo ang protesta sa UP Diliman bandang alas-10 ng umaga at magka-caravan papuntang Welcome Rotonda, saka magmamartsa papuntang Mendiola, Maynila.
Bukod umano sa mga driver at operator, lalahok din sa protesta ang mga commuter at mga estudyante.
Sinabi rin ni Valbuena na sa bilang ng grupo, nasa 30,000 units sa NCR ang hindi pa nakapag- consolidate. Isa sa unang hakbang ang consolidation sa pagpapatupad ng PUV modernization program.
Umaasa naman ang grupo na kakatigan ng Korte Suprema ang petisyon para sa temporary restraining order laban sa naturang programa.
Samantala, pumalo na sa 76 porsyento ng mga public utility jeeps sa buong bansa ang nakapag-consolidate sa ilalim ng PUV modernization program.
Sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, 76 percent o 145,721 units ng UV Express at public utility jeepneys ang na-consolidate na sa ilalim ng nasabing programa.
Kaugnay nito sinabi ni Andy Ortega Chairman ng Office of Transportation Cooperatives, na ang mga aplikasyon ng consolidation na natanggap ng ahensya ay lumampas sa kanilang mga projection.
Ayon kay Ortega na maari pa rin namang sumali sa ibang kooperatiba ang PUV drivers at operators na nabigong mag-consolidated o mag-apply para sa consolidation bago ang itinakdang Disyembre 31, 2023 na deadline.
Samantala, ang LTFRB naman ang magdedesiyon sa prangkisa ng mga operators na hindi nakapag-consolidate.