Ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamong grave threats na inihain ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes.
Sa isang resolusyon noong January 9, 2024, sinabi ng QC Prosecutor’s Office na wala umanong sapat na ebidensya ang kampo ni Castro upang isakdal ang dating Pangulo sa korte.
Ayon pa dito, hindi umano na-establish ng kampo ni Castro na may katotohanan ang mga nasabing “threats” umano ng dating Pangulo sa mambabatas na naipalabas sa isang programa ng SMNI noong nakaraang taon.
Sinabi pa ng Prosecutor’s Office na dapat ay idinirekta na ng Pangulo ang kanyang mga nasabing pagbabanta sa mambabatas kung talagang nais nitong iintimidate si Castro at dagdag nito, ang mga nasabing pagbabanta ay nakapaloob umano sa mga side stories, mga sarcastic jokes at banter sa host ng programa.
“Besides, the Office finds it quite unusual, if not ridiculous for a person to make public pronouncement of death threats…especially so considering that such individual, like [the] respondent, is already in an advance age and not anymore immune from criminal prosecution,” sabi pa ng QC Prosecutor’s Office.
Kung matatandaan, hindi dumalo ang dating Pangulo sa mga naging pagdinig ng reklamo laban sa kanya.
Ang kaso ay nag-ugat sa paratang ni Castro na pinagbantaan umano ng dating Pangulo ang kanyang buhay sa isang episode ng TV program na Gikan sa Masa, Para sa Masa sa SMNI News Channel noong October 11, 2023.
Sa nasabing episode, sinabi ng dating Pangulo sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte kung paano umano gagamitin ang confidential at intelligence funds.
“Pero ang una mong target d’yan [sa] intelligence fund mo, kayo, ikaw France, kayong mga Komunista ang gusto kong patayin,” sabi ni Duterte.
Bagama’t “France” lamang ang sinabi ng dating Pangulo ay iginiit ni Castro na ang pahayag na iyon ay patungkol umano sa magbusisi nito sa proposed confidential funds ng Bise Presidente na nagresulta sa realignment ng P650 milyong halaga ng confidential and intelligence funds sa 2024 budget.
Naghain rin ng supplement complaint-affidavit si Castro kung saan sinabi nitong pinagbantaang muli ng dating Pangulo ang kanyang buhay sa Gikan sa Masa, Para sa Masa na umere noong November 16, 2023.
Sa inilabas na disposition ng dating Pangulo, sinabi nito na “there was never any deliberate intent on my part to single out and threaten complainant Castro” at idinagdag niya na ang kanyang mga pahayag ay opinyon lamang niya at personal suggestion para sa kanyang anak.