Hustisya ang panawagan ngayon ng mga magulang ng isang 18-anyos na miyembro ng LGBT community na pinatay at inilibing sa isang bakanteng lote sa Barangay Concepcion sa Mauban, Quezon.
Ang nasawi ay kinilala bilang si Gianni Ricci Elliross Santoalla na natagpuang naagnas na ang katawan nang mahukay noong ika-17 ng Disyembre 2023.
Ayon sa ina ng biktima na kinilalang si Riza Santoalla, naglayas umano ang kaniyang anak pero nakaka-chat pa nila ito hanggang Disyembre 5 at nang ilang araw nang hindi sumasagot sa tawag at chat ay nagpa-blotter na sila sa police station at nagpost na sa Facebook.
Pero pagsapit ng Disyembre 16 ay may natanggap silang chat na nagsasabi na patay na ang kanilang anak.
Idinetalye rin ng nagcha-chat kung saan matatagpuan ang bangkay ng kaniyang anak at saan ang daan patungo kung saan inilibing ang biktima.
Kasama ang mga pulis, sinundan nila ang sinasabi sa chat message at doon nahukay ang bangkay ng biktima.
Base sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives, pinagsasaksak ang biktima.
Halos gumuho ang mundo ni Riza nang makumpirma na ang nahukay na bangkay ay ang nag-iisa niyang anak.
“Bakit, anong kasalanan ng anak ko, bakit kailangan mangyari sa kaniya yan?” saad ni Riza.
Ayon kay Police Captain Fernando Portes, Jr., deputy chief of police ng Mauban, may lima na silang suspek sa krimen na kinasuhan na nila ng murder at kabilang umano sa suspek ay ang mismong nagchachat sa ina ng biktima.