Isang construction worker ang nasawi habang dalawa sa mga kasamahan nito ang nasugatan nang matabunan ng isang gumuhong riprap project nitong Huwebes ng hapon sa Barangay Calumpang sa Liliw, Laguna.
Ayon sa Liliw Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office, 59-anyos ang lalaking nasabi habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawang sugatan at isa sa mga ito ang dinala sa pagamutan at nasa kritikal na kondisyon.
Sinabi naman ni MDRRMO responder Jojo Cometa, nasa mababang bahagi ng construction site nangyari ang insidente at dagdag niya, may kailangang hukayin gamit ang backhoe sa bahaging iyon ng site nang mangyari ang pagguho ng lupa.
“Medyo may malalim ‘yung parts na ‘yun kasi kailangan lagyan ng pundasyon. Nagkaroon ng hindi inaasahang aksidente na nagkaroon ng pagguho. Sa ngayon, sa kasamaang palad, ‘yung tatlo, magkakasama,” sabi ni Cometa sa isang panayam.
Dagdag niya, may minor injury ang isang sugatan at nag-collapse.
“Yung namatay, siya talaga ‘yung natabunan na siya na may bato pa na dumagan. Parang pagguho, natabunan ng lupa. Pero may gumulong na bato kaya natabunan na siya ng lupa may bato pa. Doon sa part na may grill sa may bakal,” sabi ni Cometa.
Sinabi ng MDRRMO na nasa ilalim ng National Irrigation Administration ang riprap project at inaalam pa ng NIA ang detalye kaugnay sa insidente at sinabing maglalabas agad ng pahayag ang ahensya.