Lumipat na ang San Beda Red Lion star player na si Jacob Cortez sa De La Salle University.
Kinumpirma ito mismo ni Jacob sa GMA Integrated News kahapon, isang araw makalipas niyang ideklarang tumiwalag na siya sa San Beda University.
Huwebes nang i-post ni Cortez sa kanyang Instagram na hindi na siya maglalaro sa SBU.
“Challenging, improving, and growing is always my goal, and so I have decided that to achieve this, I need to get out of my comfort zone. With that, I plan to compete in the UAAP,” ayon sa kanyang post na ibinalita ng Rappler.
Hindi na bago sa Green Archers ang basketbolista dahil dati nang naglaro siya sa koponan ng La Salle Green Hills bago lumipat sa University of Santo Tomas high school boys basketball team.
Ang ama naman niyang si Mike ay alamat ng La Salle dahil kabilang siya sa koponang nagkampeon sa Universities Athletics Association of the Philippines men’s basketball noong 2000 at 2001.
Sinabi ng ama sa anak na sundi ang kanyang puso nang pinag-iisipan niya ang kanyang mga opsyon.
Dadaan muna sa isang taong residency si Cortez sa DLSU bago siya makapaglaro sa UAAP Season 88.
Sa kanyang paglalaro sa katatapos na National Collegiate Athletics Association Season 99, pumalo si Cortez ng estadistikang 15.39 puntos, 3.56 rebound, 3.44 assist at 1.17 steals kada laro sa elimination round.
Naging kritikal ang kanyang papel sa biyahe ng San Beda upang tapusin ang limang taon nitong tagtuyot sa titulo nitong Disyembre.
Sa seryeng pangkampeonato laban sa Mapua Cardinals ay nagtala ang 5-7 gwardya ng average na 13.7 puntos, 7 rebounds at 4 assists.