Sinabihan ng Amerika ang pamahalaan ng Iran na pakawalan agad ang barkong hinuli ng hukbong dagat nito sa may karagatan ng Oman at dinetine sa isang puerto kasama ang 19 tripulante, kabilang ang 18 Pilipino.
Sinabi ng tagapagsalita ng State Department ng Estados Unidos na si Vedant Patel nitong Huwebes na ilegal ang pagkuha sa barkong St Nikolas na pag-aari ng mga Griyego at rehistrado sa Marshall Islands na dating teritoryo ng Amerika.
Ang ginawa ng Iran ay naglalayong guluhin ang pandaigdig na komersyo, dagdag ni Patel.
Ayon sa United Kingdom Maritime Trade Operations, isang maritime security agency ng Britanya, sumampa ang apat o limang armado at nakamaskarang itim na lalaki sa St Nikolas sa Gulf of Oman at lumihis ito ng direksyon patungo sa Bandar-e Jask sa Iran.
Kinumpirma ng hukbong dagat ng Iran ang pagkumpiska sa barko na ang dating pangalan ay Suez Rajan dahil umano sa utos ito ng korte.
Sa ulat ng IRNA, ang paghuli sa St Nikolas ay ganti sa pagnakaw ng Estados Unidos sa krudo ng Iran na karga dati ng Suez Rajan.
Sinabi ng Ambrey, isang maritime risk company ng Britanya, na dating kinumpiska ng Estados Unidos ang kargang krudo ng Suez Rajan alinsunod sa sanction laban sa Iran.
Nangyari ang paghuli ng Amerika sa Suez Rajan noong Setyembre at kinuha ang karga nitong 980,000 bariles ng krudo ilang buwan bago ito hinuli.
Ibinebenta umano ng Iran ang krudo sa Tsina nang ito ay mahuli.
Ayon sa namamahala ng St Nikolas, ang Empire Navigation na naka-base sa Greece, may kargang 145,000 tonelada ng krudo ang St Nikolas galing sa Basra, Iraq at patungo ito sa Aliaga, Turkey nang ito ay hulihin ng hukbong dagat ng Iran.