Binomba ng mga barko, eruplano at submarino ng Estados Unidos at Britanya ang paliparan, isang base militar at isang kampo ng mga rebeldeng Houthi sa Yemen kahapon bilang pagdepensa sa paninira nila ng mga barkong dumadaan sa Red Sea patungong Israel, pati na ang mga barkong pandigma ng Amerika at Britanya.
Tinamaan sa atake ang Al-Dailami airbase sa hilaga ng siyudad ng Sanaa at batay sa video na kumalat sa social media ay makikita at maririnig ang mga pagsabog dito habang may humaharurot na eruplano sa ere.
May 100 missile ang pinakawalan ng Red Sea naval force na pinangungunahan ng Estados Unidos at tinamaan nito ang 60 target sa 16 lugar sa Yemen na hinihinalang imbakan at launch pad ng mga missile at drone, at mayroon ding radar, pahayag ng US Air Force Central Command.
Target ang mga kinaroroonan ng mga drone, ballistic at cruise missile, at radar ng mga Houthi.
Sinabi ni Pangulong Joe Biden ng Estados Unidos na ang pag-atake nila sa Yemen ay upang pigilin ang mga Houthi sa pagtira ng mga barkong lumalayag sa Red Sea.
Ayon kay Biden, ang mga atake ng Houthi ay naglalagay din sa panganib sa mga barko at puwersang Amerikano, at banta sa malayang paglalayag.
Sinabi rin niyang hindi siya mag-aatubiling mag-utos ng panibagong atake kung kinakailangan.
Tumulong sa pag-atake sa mga Houthi ang mga pwersang pandagat ng Australia, Bahrain, Canada at the Netherlands, na kabilang rin sa Red Sea naval force.
Nagbanta naman ang mga Houthi na magbabayad ang Amerika at Britanya ng malaki sa kanilang agresyon.
Sinabi ito ng Deputy Foreign Minister ng Houthi, Hussein Al-Ezzi.
Lima ang namatay at anim ang nasugatan sa atake, ayon sa tagapagsalita ng military ng Houthi, Yahya Saree.