Naglabas ng kanyang saloobin si Senador Imee Marcos nitong Huwebes at sinabing hinihinala niyang maaari umanong galing mismo sa “loob” ang mga kumakalat na destabilization plot laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang panayam, sinabi ng senador na napag-uusapan nila ng kaniyang kapatid ang tungkol sa umano’y planong gulihin ang gobyerno pero tila hindi naman umano ito pinaniniwalaan ng Pangulo.
“Nababanggit, pero hindi naman siya masyadong naniniwala, at palagay ko maraming destab pero galing mismo sa loob,” saad ni Imee.
Dagdag niya, manghihinayang siya kung magkakaroon ng gusot sa koalisyon ng administrasyon.
“Nanghihinayang ako na talaga namang ang ayos-ayos na sana kung ‘UniTeam.’ Wala nang alitan. Ang tapang-tapang ng mga Duterte hindi naman nakikipag-away. Bakit natin ginugulo? Aba’y iba na ang pakay niyan,” sabi ng senador.
Kung matatandaan, nabuo ang UniTeam sa tambalan nina Pres. Marcos at vice president Sara Duterte nang magsanib-puwersa sila noong 2022 elections.
Sinabi rin ng senador na nagbigay na siya ng payo sa kaniyang kapatid, at nagbabala ang senadora sa mga may nagbabalak na masama laban sa administasyong Marcos.
“Palagay ko naman hindi puwede ang sistemang ganito. Mabait ang kapatid ko pero mahirap magalit kaya magdahan-dahan sila… Ang brother ko matagal bago magalit kaya ingat,” saad ni Imee.
Nitong nakaraan, itinanggi na ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na may destabilization plots laban sa administrasyon na lumalabas sa social media.
Itinanggi rin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ama ni Vice President Sara, na nakipagpulong siya sa ilang opisyal ng militar at pulisya, at mga politiko sa harap ng mga bali-balitang destabilization plot.