Isang barkong may kargang krudo na naglalayag sa Gulf of Oman ang sinampahan ng mga armadong lalaki at sapilitang dinala sa Iran, ayon sa isang kumpanyang namamahala ng banta sa maritima.
Dinala sa direksyon ng Bandar-e-Jask ang barkong St Nikolas na may bandila ng Marshall Islands mga alas-7:30 ng gabi at 50 milya sa silangan ng Sohar, Oman, sabi ng Ambrey ng Britanya.
“Tinakpan ng mga sumampa ang camera ng barko,” pahayag ng Ambrey.
Ang mga sumampa ay nakasuot ng unipormeng pang-militar na kulay itim at nakamaskara, dagdag ng Ambrey.
Iniulat rin ang hijacking ng United Kingdom Maritime Trade Operations, isang maritime security agency ng Britanya.
Patungo ang St Nikolas sa Turkey at galing sa puerto ng Basra sa Iraq, ayon naman sa website ng Marine Traffic na nagmo-monitor ng mga barko.
Sinabi ng Ambrey na dati nang inusig at pinagmulta ang barko bago ito pinangalanang St Nikolas dahil sa kargang krudo mula sa Iran na bawal at kinumpiska ng Estados Unidos.