Nakisali na ang Unibersidad ng Pilipinas sa mga pamantasan na nag-aalok ng kursong Taylor Swift, ang batikang Amerikanong mang-aawit na kauna-unahang kumita ng isang bilyong dolyar sa pagkokonsyerto.
Ipinaalam ng UP na ang kurso sa pop star ay bahagi ng BA Broadcast Media Arts and Studies at ituturo sa ikalawang semester ni Dr. Cherish Aileen Brillon sa College of Mass Communication.
Ayon kay Brillon, nakapokus ang kurso sa pagpe-perform ni Swift bilang celebrity at paano siya magagamit upang ipaliwanag ang relasyon ng mga Pilipino at media sa klase, pulitika, kasarian, lahi at pantasya ng tagumpay at paggalaw.
Bilang isang tagahanga ni Swift o Swiftie, sinabi ni Brillon na interesado siya kung paano ginagamit ng mga Pilipino ang mang-aawit bilang icon.
Mayroon ding parehong kurso sa Stanford University, New York University at Harvard University sa Estados Unidos.
Ngunit makabuluhan ba ang ganitong kurso sa ating kabataan at lipunan ngayon? Ano ang pakinabang sa pagkuha nito?
Marahil ay magiging makatarungan na magkaroon ng kakaibang kurso tulad ng kay Brillon kung mayroon ding kurso tungkol sa korapsyon kung saan itinuturo ang iba-ibang modus ng pangungupit sa kaban ng bayan.
Halimbawa dito ay ang pandarambong sa pamamagitan ng paggamit ng pondong pork barrel o PDAF na kinasangkutan ni Janet Napoles Lim at ilang mambabatas.
Kung ituturo kung paano ito ginagawa upang magkamal ng milyun-milyong pisong pera ng bayan, maipaaalam sa mga tao kung paano ito mabisto upang walang mangangahas na ulitin ito.
Maraming bersyon o istilo ang pagnanakaw sa kaban ng bayan at dapat lahat nang ito ay maituro sa mga estudyante nang sa gayon ay makatulong sila sa pagsilip at pagbunyag sa ganitong katiwalian sa gobyerno.
Sa mga tinuruan naman kung paano ginagawa ang pandarambong, hindi naman siguro sila mangangahas na gawin ang nalamang paraan ng pagnanakaw ng pera ng gobyerno dahil sila ay mabibisto.
Maraming katiwalian ang nangyayari ngayon sa pamahalaan dahil marami ang walang malasakit na makialam at magsumbong sa mga tiwaling kawani o opisyal. Sila at pamilya lamang nila ang nakinabang o nakikinabang sa mga perang kinukupit nila nang patago o lantaran.
Siguro naman kung may kursong tutulong sa pagbulgar sa kanila ay mas makabuluhan kaysa sa kursong Taylor Swift.