Iniulat ng Department of Agriculture nitong Miyerkules na unti-unti na umanong bumabalik sa normal ang presyuhan ng mga gulay mula Cordillera matapos itong bumagsak dahil sa umano’y oversupply.
Kung matatandaan, sa unang tatlong araw ng Enero ay naipon ang mga gulay sa mga trading post ng Baguio at La Trinidad dahil kakaunti lang ang mga truck na magbibiyahe sana sa mga ito.
“Ang iba [na gulay], nag-deteriorate at yun ang ipinamahagi o ibinenta nang mura,” saad ni DA spokesman at Assistant Secretary Arnel de Mesa. “As of January 8 na report sa amin, back to normal na ang operation sa ating mga trading post at bumabalik na ang magandang presyuhan, lalo na ng cabbage at wombok at carrot.”
Ipinag-utos din umano ng DA na dagdagan ang mga trading post at processing facility sa Cordillera. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan para maplano nang mabuti ang mga itatanim ng kanilang mga magsasaka.