Bagsak sa kalaboso ang tatlong lalaki matapos mahuling nagbebenta ng mga baril at bala sa Muntinlupa at Maynila nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Southern Police District spokesperson PMaj. Hazel Asilo, matagal na umano nilang minamanman ang naturang grupo.
“Meron tayong confidential informant na nagsabing merong isang grupo na nag-ooperate dito sa area ng Southern na gunrunning ‘yung kanilang trabaho,” saad ni Asilo.
Sa ikinasang entrapment operation ng SPD, unang naaresto ang lider ng grupo at ang driver ng sinasakyan nilang van na kargado ng dalawang kahon ng mga bala sa Muntinlupa.
“Initially ‘yung nakuha nilang target is ‘yung nagbenta nitong mga bala. Nakuha ‘yang 2,000 pieces ng bala ng 5.56mm,” sabi ni Asilo.
Sa kaparehong araw, naaresto rin ang isa pang miyembro ng grupo sa Maynila na nakuhanan naman ng isang Bentley Shotgun, isang US carbine, at isang .45 pistol.
“Kinontact nila ‘yung another target para naman doon sa ating mga high powered na mga armas. Initially, ang kanilang naging usapan is sa Quezon City, pero nagpaikot-ikot sila hanggang umabot sila ng Manila, dun sa harap ng bahay ng suspek natin,” ayon sa SPD spokesperson.
Aabot sa P240,000 ang kabuuang halaga ng mga nasabat na mga baril at bala.
Sa imbestigasyon, lumalabas na private agents at reservists ang mga nahuling suspek. Mahaharap ang mga ito sa reklamong Illegal Possession of Firearms and Ammunition at titingnan din kung pasok ito sa paglabag sa ipinatutupad na gun ban sa Maynila.