Nasawi ang isang 24-anyos na Filipino-American matapos umano itong barilin sa ulo sa California.
Kinilala ang biktimang si Andre Gianan na katatapos lang umanong magtrabaho mula sa Torrance, California, at papunta na sana sa New Year’s party nang mangyari ang krimen.
Nakita si Gianan sa Peck Avenue sa Manhattan Beach dakong 1:23 a.m. noong Enero 1 na may isang tama ng bala ng baril sa ulo.
Dinala si Gianan sa Harbor General Hospital pero sinabihan ng mga duktor ang mga kaanak ng biktima na matindi ang tinamo nitong pinsala sa utak kaya hindi na rin nila maisasalba ang kaniyang buhay.
“Tragically, he suffered a gunshot wound to his head after New Year’s Eve, and the team of doctors has determined that there is no chance of recovery because of the severity of his head injury that cut through his brain stem,” saad sa GoFundMe ni Nina, kapatid ng biktima.
“This was a total, senseless act of violence, and he was just at the wrong place at the wrong time. The pain that this has left us is unimaginable,” dagdag niya.
Nagpasya ang pamilya ni Gianan na i-donate ang kaniyang organs.
“We are honoring his life by choosing for him to be an organ donor. In this way, he will continue to live on by helping save other people’s lives,” sabi ni Nina.
Naniniwala ang Manhattan Beach Police Department na hindi random attack ang nangyaring pamamaril. Gayunman, hindi pa matukoy kung sino ang salarin.
Pumasok na rin sa imbestigasyon ang Homicide Bureau of the Los Angeles County Sheriff’s Department.