Iginiit ng Department of Health nitong Miyerkules na wala itong kinalaman sa mga umano’y kampanya para sa pag-amyenda sa Konstitusyon at ang tanging ikinokonsidera nito ay para sa pamamahagi ng medikal na tulong para sa mga mahihirap at financially incapacitated na mga pasyente ay ang kanilang kalagayan na sinusuri ng isang social worker sa isang ospital o health facility.
Kasunod ito sa ginawang expose ni Senador Imee Marcos na mayroon umanong nag-aalok ng P20 milyong ayuda para sa lagda ng 3 percent ng rehistradong botante para sa pag-amyenda ng 1987 constitution sa pamamagitan ng people’s initiative na makalawang beses ng nabigo sa Supreme Court.
Ayon pa kay Marcos, ang DoH ang isa sa mga ahensiya na pupuntahan ng naturang aid.
Nagsimula aniya ang pagkalap ng mga lagda sa Ilocos region, Bicol Central at Eastern Visayas.
Una na ring ibinunyag ni Albay Rep Edcel Lagman ang kaparehong claim nitong weekend kung saan nagpatawag umano ang mga alkalde sa mga probinsiya ng pagpupulong noong Enero 5 kung saan binigyan ang mga ito ng signature sheets para sa lagdaan ng kanilang constituents.
Ang mga lalagda umano para sa naturang petisyon para sa people’s initiative ay bibigyan ng P100 bawat isa.
Samantala, dumistansya rin ang Department of Labor and Employment sa kaugnay na isyu at iginiit na hindi kabilang sa mga kondisyon para maging kalipikado sa emergency employment assistance programs ng pamahalaan ang pagsuporta para sa inisyatibo sa pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, tanging ang disadvantaged at displaced workers lamang ang kwalipikado na makakuha ng mga benepisyo sa ilalim ng TUPAD program.
Paliwanag pa ng kalihim, handa ng DOLE na imbestigahan ito sakaling may ihaing reklamo kaugnay sa pagpapatupad ng naturang emergency employment program para sa mga lalagda sa petisyon.