Inihayag ni Bayan Muna chairperson Neri Colmenares na mayroon umano silang natanggap na mga ulat na may nagaganap na signature campaign para sa nilulutong pag-amyenda sa Konstitusyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Colmenares na batay sa ulat ng kanilang mga miyembro ay mayroon ngang ginagawang pagpapapirma sa ilang barangay sa bansa.
“May nagpadala sa amin ng report na may nagaganap na pirmahan ngayon… Nagtanong kami sa members namin sa Bayan Muna, so nagtanong-tanong sila, at may mga ilang nag-send ng photos at impormasyon hinggil sa pirmahan sa mga barangay nila,” saad ni Colmenares.
Dagdag niya, ayuda daw ang ginagamit na panghikayat para suportahan ang Charter change.
“May isang video na pinadala sa amin na ang sabi pumirma kayo sa pag-amyenda ng Konstitusyon, ang sinasabi doon para daw maisabatas yung AICS at TUPAD, mga ayuda sa taumbayan,” sabi Colmenares.
Pero giit ni Colmenares, hindi Cha-cha ang sagot para sa mga iyon.
“Hindi yon ang totoong amyenda, yung AICS at TUPAD puwede namang maging batas kahit walang Cha-cha,” giit niya.
Pero paglilinaw niya, hindi makumpirma ng Bayan Muna kung may nagaganap ngang bayaran para sa pirma at nagbabala rin siya na dapat tutulan ng mga Pilipino ang Cha-cha dahil sa posibleng epekto nito sa bansa.
“Ang Charter change dapat ikatakot ng publiko dahil talagang… meron silang proposal na term extension o gawing dalawa ang term ng presidente, congressman, local official, maliban sa barangay at Senado. Meron ding proposal na pag-dilute ng human rights at pagbukas ng ekonomiya sa dayuhan,” sabi ni Colmenares.