Nitong nakaraan ay kumalat ang video ng aktres na si Barbie Imperial kung saan nakasama umano nito ang aktor na si Richard Gutierrez sa isang bar sa Alabang at nabahiran na ito ng isyu.
Kung matatandaan kasi, putok na ang balitang hiwalay na si Richard sa asawa nitong si Sarah Lahbati kaya nang lumabas ang video ay inintriga na agad si Barbie.
Pero ayon sa talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, walang katotohanan ang mga lumalabas na isyu kaugnay kay Barbie at Richard.
Sa kanyang latest episode ng “Ogie Diaz Showbiz Update” sinabi nitong isa si Barbie sa mga may-ari ng bar kung saan sila nakitang magkasama ng Kapamilya actor.
“Ang totoo nyan, si Barbie Imperial ay isa sa mga shareholders ng Tipsy Pig. Ang may share si Barbie ay ‘yung [branch] sa Timog, QC [Quezon City] at Alabang,” saad ni Ogie.
“So bilang siya ay isa sa mga may-ari, may obligasyon ito na pumunta sa kanilang mga negosyo at mag-entertain sa mga bisita. Para magpakita sa bisita na ‘yun ay puntahan ng mga artista.”
Paglilinaw naman ni Ogie, walang share si Richard sa bar pero nagkataong kaibigan nito ang mga may-ari.
“Parang apat na tables ‘yun. Siyempre nagte-table hopping ang lolo mo dahil lahat ‘yun ay kaibigan niya.
“So nung naupo siya kay Barbie, nakunan ng picture. Kahit sino pang babae yan lalo na kung ang lalaki o yung babae na involved sa isang relasyon at sa isang hiwalayan, talagang tutukan ng mga Marites kung sino ang next na makakasama,” lahad ni Ogie.