Inihayag ng Commission on Population Development nitong Martes na maaari umanong makarananas ng tinatawag na “aging population” ang bansa matapos ang taong 2023 kung saan mas marami ang mga Pilipinong nasa edad 60 pataas o senior citizen kaysa sa mga Pilipinong edad 15 pababa.
Sinabi ng CPD na mabagal na ang paglago ng populasyon ng bansa kaya may posibilidad na ideklara ng United Nations na aging population na ang bansa.
Inalerto na raw ng CPD ang concerned government agencies para umano mabigyan ng mas maayos na living conditions ang mga senior citizen.
Isa sa mga tinitingnang anggulo ng CPD ay ang pagtama ng COVID-19 pandemic sa bansa kung saan kakaunting bilang lang ang nagpakasal at nanganak. Marami rin umano ang namamatay kaya bumaba ang projection sa pagtaas ng populasyon.
Binigyang-pansin din ng komisyon ang isinagawang pag-aaral ng United Nations Population Fund and National Economic and Development Authority kung saan lumalabas na ang implementasyon ng K to 12 program ay nagresulta ng mababang teenage pregnancies.
Ayon sa Commission on Population Development, maglalabas ang Philippine Statistics Authority ng nationwide projection on the population ngayong Enero.