Ipinasa ng parlyamento ng Timog Korea kahapon ang isang panukalang batas na nagbabawal sa pagpaparami, pagkakatay at pagtitinda ng aso para sa kanilang karne.
Lahat ng miyembro ng Pambansang Asembliya, 208, ay bumoto ng pabor sa panukalang batas na ipatutupad matapos ang tatlong taong grace period at huling pag-aproba dito ng pangulo.
Ang lalabag sa nasabing batas ay papatawan ng parusang pagkakakulong ng tatlong taon at multang 30 milyong won.
Babayaran din ang mga nagpaparami ng aso upang mag-iba sila ng negosyo.
Matagal nang nagluluto ng karne ng aso ang mga Koreano. Umaabot sa isang milyong aso ang kinakatay kada taon hanggang sa unti-unting nabawasan ang pagluluto at pagkain nito dahil dumami ang Koreanong nag-aalaga ng aso.
Sa mga mas batang Koreano na naninirahan sa mga siyudad, masama ang pagkain ng aso. Lumakas din ang panawagan ng mga aktibista na gawing bawal ang kaugalian.
Nagkaroon ng opisyal na suporta sa dog meat ban nang maging pangulo si Yoon Suk Yeol na may maraming inampong ligaw na aso.
Ang kanya namang asawa ay kritiko ng pagkain ng karne ng aso.
Sa bagong survey ng Animal Welfare Awareness, Research and Education na inilabas nitong Lunes, napag-alamang isa sa bawat 10 Koreano ang nagsasabing hindi sila kakain ng karne sa hinaharap.
Tinatayang may 1,100 dog farm sa Timog Korea na nagsu-supply ng aso sa mga restoran.