Isang lalaki sa Laoag, Ilocos Norte na nakagat umano ng pusa noong Oktubre nang nakaraang taon ang pumanaw na dahil umano sa rabies.
Batay sa mga ulat, October 28, 2023 nang makagat ng pusa ang 51-anyos na biktima na kinilalang si Arnel Marcos at ayon sa asawa nito, hindi kaagad nagpatingin sa doktor ang kaniyang mister at sa halip ay nag-self- medication.
Matapos umanong hugasan ang sugat o kagat ng pusa, nilagyan umano ito ng kaniyang mister ng katas ng papaya.
Nobyembre 2 na nang magpaturok ng anti-rabies at mabigyan ng antibiotics sa ospital si Marcos pero pagkaraan ng isang buwan, may naramdaman umano ang kaniyang mister gaya ng panghihina ng katawan kaya muli itong nagpatingin sa duktor.
Subalit hindi umano nito nasunod ang nakatakdang mga schedule ng follow-up check up at hanggang sa napansin na lang umano ni Marcos na nagkakaroon siya ng takot sa tubig nang minsan iinom noong Enero 3.
Ayon sa asawa ng biktima, muli silang bumalik sa ospital at doon nakumpirma na positibo si Marcos sa rabies at nitong nakaraang Biyernes ay pumanaw na ito.
Samantala, isang 17-anyos na binata rin ang nasawi sa rabies sa Pototan, Iloilo.
Ayon sa ama ng biktima, dumain ang kaniyang anak noong Disyembre 31 na nahihirapan siyang huminga at hindi makainom ng tubig. Dinala ang biktima sa ospital at nakitaan ng sintomas ng rabies tulad ng pagkatakot sa liwanag, tubig at nagiging mabagsik. Pumanaw ang binatilyo noong January 4, 2024.